top of page

NANG DI MALOKO

(Do a Barrel Roll)

 

|By Christian Dale Faustino

 

Nito lamang ay nabalitang higit sa 100 katao na naman ang naloko ng isang pyramid scam, isang uri ng networking business na nangangakong mabilis na lalago o dodoblehin pa nga ang iyong ipinuhunang pera kapag nakapagrecruit ka ng iba pang mabibiktima.

 

Ngayon ay may bagong modus ang mga nagpapasimuno ng ganitong klaseng panggagantso. Ginagamit na nila ang Facebook para mas makapag-endorso at mas makaakit ng mga ignoranteng tao. Upang mas maging “appealing” sa masa ang kanilang panggogoyo, naglalagay din sila ng ilang false testimonies at misleading information sa kanilang mga posts.

 

Nang di maloko ng ganitong klaseng mga pandurugas, tatlong bagay lang naman ang dapat alalahanin ni Juan:

 

Una, huwag maging tamad. May ilang networking scams din na kumakalat na nagsasabing kikita ka nang hindi napapagod, gamay mo ang oras at hindi mo na kailangang umalis pa sa iyong bahay. Kahit sino ay pwede talagang mahulog sa ganitong klaseng patibong. Mas mainam na huwag na lang pagkatiwalaan ang ganito dahil kung tutuusin, sino namang hangal ang magpapasahod sa’yo nang dahil lang sa pag-upo at paggamit ng Facebook? Maigi pa ring magbanat ng buto at maghanap ng sigurado at legal na pagkakakitaan.

 

Pangalawa, huwag maging sakim. Sa pangakong tubo pa lang, halatang nanloloko na ang mga may pakulo ng scam. Masyado kasi nating hangad ang “easy money” kahit na sa totoo naman ay hindi naman talaga mahahagilap ‘yun. Kung 50% ang kikitain mo sa pagsali sa network at pagrerecruit, saang lupalop naman ng Los Islas Filipinas nila hahagilapin ang kikitain ng ibang kasali? Binibigyang pansin nila ang sadyang pagiging makasarili ng mga tao para mas mapalawak ang sakop ng kanilang panloloko.

 

Pangatlo, huwag maging mangmang. Madaling matukoy ang nanlolokong networking business sa hindi. Sa mga scam, hindi makatotohanan ang mga ipinapakitang produkto nila dahil wala naman talaga silang ibinebenta. Mas maigi pang sumali na lang sa mga kumpanyang nag-ooffer ng direct selling business dahil doon ay makakasigurado kang may ibinebenta at may kinikita ka. Bukod pa rito, dapat din na matuto tayong mag-filter ng mga advertisement na mababasa sa internet. Sa ganitong paraan ay mas makakasiguro tayong hindi tayo basta-basta malilinlang ng mga mapang-akit na salita nitong mga scammers.   

 

Nang di tayo maloko, ‘wag tayong magpaloko. Mas mabuting kumilos at magtrabaho para sa sarili at sa pamilya nang may kitain. Walang tatamuhing maganda ang taong gahaman at mapaghangad ng para sa iba. Nilikha tayong may kanya-kanyang talino kaya’t hindi tayo dapat nagpapauto sa kung sino-sino.

bottom of page