The Official Tertiary Student Publication of Laguna College of Business and Arts
ADMIN, MULING NAGSAGAWA NG COLLEGE ORIENTATION
|Ni Amor Arcebuche
Taun-taon isinasagawa ng Laguna College of Business and Arts ang College Orientation para ipakilala ang paaralan, mga rules and regulations, school programs, discipline decorum at mga pagbabago sa paaralan sa mga freshmen, transferees at maging sa mga old students. Ito ay ginanap noong Hunyo 26-27 sa Multi-Purpose Hall.
Inumpisahan ang orientation sa isang doksolohiya na inihandog ng Cultural Singers at sinundan ng pag-awit ng Lupang Hinirang at LCBA Hymn. Sa pangunguna ng bagong guro na si Mr. Keith Layusa na siyang tumayong tagapagdaloy ng programa ay inumpisahan ang oryentasyon. Ang nasabing programa ng paaralan ay inihanda ng Guidance Office sa pangunguna ni Gng. Fatima Banasihan, Guidance Coordinator sa kolehiyo. Ayon kay Gng. Banasihan, ang pagkakaroon ng maayos na pananatili ng mga mag-aaral sa paaralan ay sa pamamagitan ng pagbibigay-alam sa kanila tungkol sa paaralang kanilang gagalawan.
Inumpisahan ni Dr. Edna Manaig, Executive Vice President at Vice President for Academic Affairs, ang kanyang pambungad na pananalita. Ikinumpara niya ang paaralan sa isang kawayan. Aniya, sa 85 taon ng paaralan, dumaan man sa napakaraming unos ay katulad ng kawayan na yumuko man ngunit hinding-hindi mapatutumba ng kahit na anong problema. Kasunod nito ang pahapyaw na pagbanggit sa mga pagbabagong ginawa at ginagawa sa paaralan. Isa na nga rito ang bagong entrance ng paaralan kung saan ginawang high-tech ang pamamaraan ng pagpasok at paglabas ng mga mag-aaral. Alinsunod ito sa pagbisita ng mga PACUCUOA Accreditors sa paaralan. Inanyayahan niya rin ang mga mag-aaral na mapasailalim sa mga scholarship programs na inilalatag ng paaralan tulad ng cultural, athletic at academic scholarship.
Binigyang-diin naman ni, G. Fernando Pendon III, Director ng Student Affairs Office at bagong Vice President for Administration ang student discipline at decorum ng paaralan na nakapaloob sa student handbook. Ilan sa mga binanggit din ni G. Pendon ay ang mga major at minor offenses at mga karampatang parusa sa mga lalabag nito.
Matapos nito, ipinaliwanag naman ang rules and regulations at ang do’s and don’ts sa mga opisina. Kabilang dito ang Cashier, Registrar, Internet Department, at Library.
Sa kabuuan, ang orientation ay isinasagawa upang magbigay ng impormasyon para sa mga bagong sampa at dating mag-aaral dito sa ating paaralan.
Photo: Ian Ramos